"Habang tinitingnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo." - Marcos 3:5a (MBB)
Nakakalungkot minsan na makita sa ibang tao kapag tayo'y gumagawa ng mabuti sa ating kapwa, sa halip na kilalanin at tulungan tayong lalo pang maging masigasig sa pagpapakabuti sa iba, puna at maling kuru-kuro ang natatanggap natin. Sa halip na magdulot ito ng galak at inspirasyon, sama ng loob at lungkot ang nararamdaman natin. Na ito ang nagiging dahilan ng mga siraan at gulo. Kung minsan pa nga, ay tinatanong natin ang ating sarili na kung bakit sa kabila ng ating paggawa ng mabuti, ay may pumupuna sa atin. Nasasabi na lang tuloy natin sa ating sarili na pag gumawa tayo ng mali, ay pupunahin tayo, pag gumawa naman tayo ng mabuti, pupunahin pa rin tayo. Hindi mo na alam tuloy kung saan ka lulugar. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ay nagalit at nalungkot ang ating Panginoon dahil sa ipinakita ng mga tao sa sinagoga dahil sa kanyang pagpapagaling sa isang lalaki na patay ang isang kamay sa Araw ng Pamamahinga. Dahil sa araw na iyon ay bawal gumawa o magtrabaho. Nagalit at nalungkot si Jesus, dahil sa batas na iyon, ay pinagkakait sa isang maysakit ang kagalingang kanyang kinakailangan. Kahit may pagtutol sa tingin ang mga tao sa kanya, ay ay ipinagkaloob pa rin niya ito sa maysakit bilang tanda ng kagandahang loob ng Diyos. Nawa'y idalangin natin ang mga taong pumupuna sa atin at wag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti kahit may pumupuna sa atin. Dahil sa ating mabubuting gawa, ay naipapakita natin ang kagandahang loob ng Diyos katulad na ipinakita ng ating Panginoon na siyang tanda ng kanyang malaim na pag-ibig sa atin.
No comments:
Post a Comment