Tuesday, February 15, 2011

Nakikilala Sa Pakikipag-ugnayan (Huwebes, sa Ika-6 na Linggo Sa Karaniwang Panahon)

Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sumagot sila,"Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta. Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?" tanong niya. Sumagot si Pedro, "Kayo po ang Cristo." "Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako," mahigpit na utos niya sa kanila. Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, "Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw." Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan. Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, "Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao."- Marcos 8:27-33 (AMBB)
 
 
Gaano mo ako kakilala? Ito ang isa sa hamon sa amin ng aming naging retreat master sa isang recollection na dinaluhan ko. pPro hindi ito namin malalaman sa pamamagitan ng pagsasabi sa amin ng aming mga kaibigan at kakilala, kundi sa pamamagitan ng isang papel na nakadikit sa aming likod. Doon namin isusulat sa papel kung anong ugali ang aming nakikita sa taong susulatan namin. Nakakatuwa ang naging activity na iyon, marami ang nagsulat sa likod ko, at marami rin akong sinulatan. Pagkatapos ng activity na iyon, ay nabasa namin ang mga sinulat sa aming likod. Hindi na ako nagulat na may ilan na nagsulat sa akin na ako raw ay seryosong tao, at mukhang suplado. Pero, may mga taong malapit sa akin (na na-trace ko sa kanilang penmanship), ang nagsabing approachable, nice, smiling face and very happy person. Nakakatuwang isipin na madalas ay nabibigay tayo ng palagay sa isang tao, batay sa ating nakikita sa kanya, kahit ito ay mababaw na pagkakilala o nakilala lang natin sa unang pagkakataon pa lamang. Minsan nga, may nabasa akong comment sa facebook na sinabi niya na natawa siya sa comment ko sa isang picture ng kaibigan ko. Akala niya ay napakaseryoso kong tao. Minsan, kapag nakasama natin ang isang tao nang matagal at lubusan, ay dun lamang natin nakikita ang tunay biyang katauhan, at ang bakit siya ganun mag-isip at kumilos. At unti-unting nawawala ang ating mali o mababaw na pagkakilala sa kanya.
 
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang pagtatanong ni Jesus kung sino siya ayon sa iba. Sinabi nila na siya'y si Juan bautista, si Elias, at ang mga propeta. Ngunit, tinanong niya kung sino siya para sa kanila. Sinabi ni Pedro na siya ang Cristo (Hinirang) ang anak ng Diyos. At ibilin niya na huwag itong sabihin agad, dahil sa hindi pa natatapos ang kanyang misyon na siyang matinding patunay ng kanyang pagiging anak ng Diyos, sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, na siyang katuparan sa hula ng mga propeta at ang kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao. Dahil dito, ay sinabi ni Pedro na hindi dapat mangyari sa kanya ang bagay na iyon, na waring nagpapakita siya ng pagmamalasakit sa kanya. Ngunit sinaway siya ng ating Panginoon, dahil ang mukhang pagpapakita ng kanyang pagmamalasakit, ay pagpapakita ng pag-iwas sa kalooban ng ating Diyos na akuin ang pagkakasala ng tao sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay, at hindi dapat danasin ito ng ating Panginoon. Itong tanong ni Jesus sa atin ay isang hamon din sa atin kung gaano natin siya kakilala nang lubusan? Sino ba siya sa buhay natin? Lumalalim ba at nakikilala ba natin siya nang lubusan mula nang tanggapin natin siya sa ating buhay at sumunod sa kanya?
 
Nawa'y maging isang hamon sa ating lahat ang tanong ni Jesus sa ating mga alagad. Sa ating sagot sa kanya, ay doon lamang natin malalaman kung gaano natin siya kakilala. Sapagkat ito'y magsisilbing sukatan kung gaano natin siya kamahal at ano bang klaseng pagsunod ang ipinapakita natin sa kanya. 

No comments:

Post a Comment