Saturday, February 26, 2011

Manalig Sa Kanyang Kalinga (Linggo sa Ika-8 Linggo Sa Karaniwang Panahon, Taon A)

 "Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. "Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin d upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa? "At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!  "Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos e at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan. "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw." - Mateo 6:24-34 (ABMBB)

Ang isa sa mga iniutos ng Diyos sa mga tao ay ang magtrabaho upang mabuhay. Ito ay iniutos niya sa ito sa ating unang magulang na sina Adan at Eba, matapos silang magkasala at paalisin sa paraiso (Gen. 2:17b-19a). At maging si San Pablo ay pinayuhan niya ang mgaUnang Kristiyano sa Tesalonica na ang lahat ay magtrabaho sa kanyang ikinabubuhay at hindi umaasa sa iba, at maikalam sa buhay nang may buhay (2 Tes. 3:11-12. Ngunit, sa panahong ito, na matindi ang kumpetisyon sa ating lipunan, lahat ay sinisikap na maging maunlad sa buhay, kahit na nawawalan ng panahon sa kanilang pamilya, sa sarili at sa Diyos. Matugunan lamang ang pangangailangan nila upang mabuhay. Naalala ko nung ako ay nakapagtrabaho sa isang kumpanyang pinaglingkuran ko. Dahil sa pagiging abala sa lahat ng mga gawain sa opisina at simbahan, na halos hindi mo na alam kung anong uunahin mo at kailangang tapusin agad, ay unti-unting nagkakasakit na ako, hanggang sa unti-unting bumibigay na ang aking katawan dahil sa pagod.Madalas din ay napapansin sa akin ng aking mga kakilala at mga kaibigan na nangangayayat ako dahil sa kailangan kong magtrabaho. Dahil dito, ay pinayuhan ako ng doktor na magpahinga muna. Kung kaya't nag-resign ako. Nalungkot ako sa aking pagre-resign. Nandito na masyado akong naging balisa dahil sa mga balita tungkol sa mahirap humanap ng trabaho sa panahong ito, at dahil sa medyo tumatanda na ako, ay hindi ko maiwasang mangamba, dahil sa baka wala nang kumuha sa akin, dahil sa maraming mga mas bata ang mga makakakumpitensya ko sa paghahanap ng trabaho. Ngunit, dahil sa panghahawak ko sa pangako ng Diyos, ay hindi ako nabigo sa pag-asa sa kanya. Nagkaroon ako ng bagong trabaho na mas malapit sa tinitirhan ko, mas malaki ang sweldo at maraming benefits na makukuha, Magsisimula na ako sa March 7. Bagaman panggabi ang trabaho ko, ay tinatanaw ko ito ng malaking utang na loob sa kanya, dahil hindi niya ako pinabayaan sa aking mga pangangailangan.


Matutunghayan natin sa aing Ebanghelyo ngayon ang pagtuturo ng ating Panginoon sa kanyang mga alagad lahat ng alagad na hindi maaring maglingkod ang tao nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. Itinuturo sa atin ni Jesus na dapat ay mamili sa isa, sapagkat ang paglilingkod ay dapat kakitaan ng buong pusong pagmamahal sa Panginoong pinaglilingkuran. Mahirap maglingkod nang sabay dahil kapag hiningi ng isa na talikuran ang isa, ay mahihirapang mamili ang naglilingkod kung sino ang pipilin niya, dahil na rin sa dami ng kanyang ninanais na makamit, na hindi niya makuha sa isang pinaglilingkuran.  Sapagkat kinakailangang bigyan niya ng buong pansin ang panawagan nito sa kanya. Hindi literal na sinasabi niya sa atin na tanggihan o huwag na tayong magtrabaho para maging maginhawa, kundi ay dapat na maging una ang Diyos sa lahat, at huwag tayung masyadong magpaalipin sa mga bagay na ating tinatangkilik. Sapagkat, ito'y hindi nakakatulong sa ating buhay ang labis na pag-aalala, bagkus ay nagdudulot pa ito ng kapahamakan. Inihalimbawa niya ang mga maya at ang liryo sa ating mga tao. Dahil ang lahat ng pangangailangan ng lahat ng nilikha niya ay alam niya, ay siya ang nagbibigay nito. Ito rin ang pangakong binitawan ng Diyos sa kanyang bayan sa unang pagbasa, na kahit na talikuran pa man tayo ng ating pamilya o ng lahat ng tao, ay nangangako ang Diyos na hindi niya iiwanan ang sinuman sa atin, dahil sa kanyang labis na habag at pag-ibig niya sa lahat ng kanyang nilikha. Anuman ang katayuan niya sa mundo. Maging sa ating salmong tugunan, ay maliwanag na inaanyayahan ang salmista na patuloy taong lumapit sa Diyos na patuloy na nagmamahal sa atin. Sapagkat siya ay matibay nating masasandalan, tanggulan at kanlungan. Inaanyayahan niya tayo sa huli na magtiwala sa kanyang kapangyarihan at magagawa, sapagkat siya ay maasahan sa lahat ng ating pangangailangan.

Nawa'y matuto tayong magtiwala at kumapit sa kanyang kapangyarihan, lalo na sa panahon ng kagipitan. Sapagkat siya ay tunay at labis na nangangalaga at nagpapahalaga sa lahat ng ating pangangailangan (1 Ped. 5:7) 

No comments:

Post a Comment