Monday, February 7, 2011

Maging Bukas Sa Pamamaraan ng Diyos (Biyernes, Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes at Pandaigdigang Araw ng Maysakit)

"At dinala kay Jesus ang isang pipi at bingi, at ipinamanhik sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa tao. Inilayo ito ni Jesus sa karamihan, ipinasok ang kanyang daliri sa mga tainga at saka nilagyan ng laway ang dila. Pagkatapos, tumingala siya sa langit, nagbuntong hiningaat nagsabing, 'Ephphatha' na ang ibig sabihin ay 'Mabuksan.' Ang mga tainga ng tao ay biglang nabuksan, nakalag ang tali ng kanyang dila at siya'y nakapagsalita." - Marcos 7:32-35 (Abriol) 

Ang isa sa mga nakapukaw ng aking pansin na babasahin ay ang Know the Truth (Nalathala noong 2007, p. 13)  na inilathala ng Society of St. Paul (SSP) na layunin nitong ipagtanggol ang pananampalatayang Katoliko. Ang isang issue nito ay tungkol sa Mahal na Birheng Maria, na kung saan, pinatotohanan ni Pastor Benny Hinn, isang kilalang pastor ng Born Again na ang Diyos ay gumagamit ng pamamaraan upang magkaloob ng kagalingan sa lahat ng tao. Tulad ng sa Lourdes na kanyang inihalimbawa. Dito, ay kinikilala niyang ang Diyos ay gumagamit ng iba't ibang paraan upang pagalingin ang lahat ng maysakit. At hanggang sa ngayon, ay marami pa rin ang nagpapatunay na sila ay nakakadama ng kagalingan, hindi lamang pangkatawan, kundi pangkaluluwa. Kahit na sa larangan ng medisina at siyensya, ay mayroon nang natutuklasang mga halamang gamot na maaring magdulot ng kagalingan at magdulot ng mabuting kalusugan sa atin. Tunay na inihahayag nito ang karunungan at kagandahang loob niya sa atin upang tayo'y guminhawa. Kahit sa mga tao, may mga healing priests, at lay members na ginagamit ng Diyos upang magdulot ng kagalingan sa lahat. Iyan ay kung magiging bukas at mulat tayo sa ating kamalayan sa kanyang pamamaraan.

  
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang pagpapagaling ni Jesus sa isang pipi at bingi. Mapapansin nating gumamit siya ng ilang pamamaraan, kagaya ng paglalagay ng kanyang daliri sa tainga at paglalagay ng laway sa dila nito. At dito'y sumigay siya ng "Ephphatha" na ang ibig sabihin ay "Mabuksan." At biglang gumaling ang lalaki mula sa kanyang kapansanan. Ito'y pagpapakita ng ng pagiging bukas niya sa pamamaraan na ipinapakita ng ating Panginoon. Kahit hindi pangkaraniwan at kakaiba ang estilo nito, ay hindi siya nagreklamo o umayaw sa kanya. Dahil alam niya ang kayang gawin sa kanya ni Jesus.

 Ngayong araw ring ito, ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes at gayon din ang pandaigdigang araw ng maysakit. Sa araw na ito, ay ipinapanalangin at iniaalay ng simbahan sa lahat ng misa ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan at agarang paggaling ng lahat ng maysakit sa buong mundo. Kung kaya, sa bawat parokya ay may isinasagawang healing mass para sa kanila na kung saan ay pinapahiran sila ng santo oleo, para gumaling.


Ang Lourdes, France ay sikat na pilgrimage site sa buong mundo, na kung saan, ay nagpakita ang Mahal na Birhen sa batang si Santa Bernadette Soubirous, at nagpakilalang siya'y Immaculada Conception, at naroon ang sikat at naghihimalang bukal. Inutusan ng Mahal na Birhen si Santa Bernadette upang magtungo sa bukal. Sa pag-aakalang ito'y sa katabing ilog, ay doon siya nagpunta. Ngunit pinigil siya nito, at sinabing humukay siya sa lupa sa paanan nito, ay sa kanyang paghukay, ay may bumukal na tubig dito. na kung saan ay inutusan niya siya na uminom at maghilamos sa bukal na ito. Gayon ang kanyang ginawa, kahit na may putik pa ito. Di nagtagal, ang maputik na bukal ay biglang luminaw na tulad ng isang kristal. Marami ang nagpatunay na gumaling sa bukal na ito, kabilang na si Santa Bernadette, na nung nasa kumbento siya, at dahil sa paglala ng kanyang asthma, at baka mamatay, ay pinainom siya ng tubig sa bukal, at siya'y gumaling. Hanggang ngayon, marami ang gumagaling sa Lourdes, na siyang tanda ng patuloy na pagkilos at pagbibigay ng kaginhawahan sa lahat, lalong higit sa tunay na nangangailangan nito.

Nawa'y maging bukas tayo sa pamamaraan ng Diyos para sa ating kagalingan, at idalangin natin ngayong araw na ito ang lahat ng mga maysakit na maging bukas at mulat sila sa lahat ng pamamaraaan ng Diyos upang sila'y gumaling. Upang ito'y maging daan ng ating mabilis na paggaling at maibsan ng tuluyan ang karamdamang nagpapahirap sa ating buhay.

No comments:

Post a Comment