"Kayo'y asin sa sanlibutan....Kayo'y ilaw ng sanlibutan.... Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit." Mateo 5:13;14;16 (MBB)
Maraming mabuting idinudulot ang asin sa ating buhay. Bukod sa ito'y nagbibigay lasa sa ating mga pagkain, ito rin pwedeng panlinis sa mga bagay na ating ginagamit. Kagaya na lang nung minsan akong bumili ng halaman para sa aking isda sa aquarium, ay sinabi sa akin ng may-ari ng petshop na ibabad ko muna ang halaman sa isang lalagyan na may isang dakot ng asin sa loob ng 30 minuto bago ilagay sa aquarium, para mamatay ang mga mikrobyo at at hindi magkasakit ang aking mga isda. Ito rin ay isang mabisang gamot sa ating mga karamdaman. Kagaya ng ating pananakit sa ating lalamunan, ay nagmumumog tayo sa ng maligamgam na tubig na may asin, upang mamatay ang mikrobyong dahilan ng pananakit nito. Ito rin ay may kakayahang magpanatili ng supply ng tubig na kinakailangan ng ating katawan. Kung kaya kapag nakararanas tayo ng dehydration, ay pinaiinom tayo ng Oral Rehydration Salt (ORESOL) upang hindi tayo maubusan ng tubig, na maaring ikamatay natin. Ang asin din ay ginagamit ding preservatives sa ibang pagkain na kinakain natin, tulad ng itlog na maalat. Ito rin ay may kakayahang tumunaw ng yelo, na siyang ginagamit sa ibang bansa upang tunawin ang makapal na yelo sa kanilang kalsada sa panahon ng taglamig. Ilan lamang iyan sa ilang gamit ng asin sa ating buhay.
Bukod sa asin, ay kinakailangan din ng tao ang liwanag. Bukod sa ito'y tumatanglaw sa ating lahat, ito rin ay nagbibigay buhay din sa lahat ng nilalang na may buhay, tulad ng araw. Ang iba't-ibang uri, kulay, estilo at disenyo ng ilaw na ating nakikita ang siyang nagdadagdag ng kagandahan sa ating paligid. Kung kaya, ang liwanag ay siyang ginamit na simbolo o tanda ng iba't-ibang relihiyon, lalo na sa ating pananampalatayang Katoliko at karaniwang tao dahil sa mga katangiang dulot nito sa ating lahat. Ang hirap isipin kung paano kaya kapag nawala ang lahat ng ito sa ating buhay? Tiyak na magiging mahirap at magdudulot ito ng pananamlay at kawalang sigla ng ating buhay dito sa mundo.
Matutunghayan natin ngayon sa ating Ebanghelyo sa araw na ito ng Linggo ang pagtuturo ng ating Panginon sa kanyang mga alagad at sa lahat ng Tao sa paligid niya na sila'y asin at ilaw ng sanlibutan. Tayo'y inihahalintulad sa isang asin, na kung paanong nagbibigay lasa, nakakalinis, nakakapangamot at sa ilang pambihirang kakayahang angkin nito, tayo ay may kakayahang magbigay sigla, magdulot ng paghilom at kagalingan hindi lamang pagkatawan, kundi pati pangkaluluwa, at maging daan ng kanilang pagbabago sa kanila upang maituwid ang kanilang naging pagkukulang, at nagdudulot ng pag-asa upang maging maayos ang kanilang pamumuhay. At sa twing tayo'y nakakagawa ng kabutihan sa iba, ay nagmimistulang ilawan tayo sa iba, na siyang nagdudulot ng inspirasyon at kagalakan sa mga taong nasadlak sa kadiliman, kagaya ng pagsubok at kasalanan. Kagaya ng ating Unang Pagbasa sa aklat ni Propeta Isaias, sa twing tinutupad natin ang kaloban ng Diyos, ay nagiging liwanag ito sa iba, at nahahayag ang kanyang presensya at kabutihan sa atin. Ang ating pagiging asin at ilaw, ay pagpapakita natin ng pagkakaroon ng kabuluhan sa iba, dahil sa kabutihang idinudulot natin sa iba at nagiging kapaki-pakinabang tayo dahil sa kakayahan nating magtaguyod ng kabutihan at maging kasangkapan ng kabutihan ng Diyos na kumiklos sa atin, na siyang nagdudulot ng inspirasyon at sigla sa bawat isa na siya namang nais ibahagi sa atin ng ating Panginoon. Kung kaya, sa twing tayo'y nalilihis ng landas at hindi nakakapag-balik loob tayo sa Kanya, unti-unting nawawalan tayo ng kabuluhan sa ating kapwa at sa ating sarili, hanggang sa unti-unting mawalan ang saysay ang ating buhay, dulot ng kasalanan.
Nawa'y maging makabuluhan ang lahat ng ating gawain sa iba, katulad ng kabuluhan at kahalagahan ng asin at ilaw sa ating buhay. Upang sa gayo'y magdulot tayo ng kabuluhan sa ating kapwa dahil sa ating mga mabubuting gawa, at at siyang magdudulot sa atin ng buhay na kasiya-siya at kapaki-pakinabang para sa lahat na ninanais sa atin ng ating Panginoon.
No comments:
Post a Comment