Sunday, February 6, 2011

Pagbabakasakali sa Biyaya ng Diyos (Lunes, sa Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon I)

"At saanman dumating si Jesus, maging sa nayon, lunsod o kabundukan, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit at isinasamo sa kanya na pahipuin sila, kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. Ang lahat ng nakahipo nito ay gumagaling. - Marcos 6:56 (MBB)




Ang isa sa mga katangian nating mga Pilipinong katoliko na siyang laging pinupuna ng ating kapatid na hiwalay sa pananampalataya ay ang ating malalim na debosyon sa mga santo at sa ating Panginoon sa pamamagitan ng paghalik, paghipo at pagdarasal sa harap ng mga imahen o relic nila, lalo na kung ito'y nagmimilagro. Kapag may dumarating na relic o replica ng mapaghimalang santo, ay dinudumog ito ng maraming tao, upang makamtan ang kanilang hinihiling. Naalala ko tuloy nung dumating sa aming parokya nung 2008 ang replica ng imahen ng itim na Nazareno ng Quiapo, ay dinumog ito ng maraming tao. Habang nakapila ang mga tao sa pag-aantay nilang makalapit sa imahen, ay may video presentation na napapanood, na ipinapalabas dito ang mga patotoo ng ilang mga kababayan nating nakatanggap ng himala galing sa Nazareno, kagaya ng kagalingan sa karamdaman, nagkaroon ng trabaho, may nagbagong buhay dahil sa himalang natanggap. Kung kaya twing Piyesta ng Quiapo, kahit delikado, ay patuloy pa rin silang mamamanata sa Kanya.Dahil sa pagbabakasakaling malapitan siya, kahit delikado, upang ipakita ang pagpapasalamat sa kanya at pag-asang biyayaan sila at ang kanilang pamilya. Ito'y pagpapakita lamang ng kanilang pananampalataya, hindi sa imahen nito, kundi sa kanya mismo na nagkakaloob ng tunay na kagalingan at kaginhawahan sa kanilang buhay.

 Matutunghayan natin sa Mabuting Balita sa araw na ito ang pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit sa Genesaret. Mapapnsin nating na sa bawat lugar na puntahan niya, ay dinudumog siya ng maraming tao, dahil na nababalitaan nilang siya'y nagpapagaling ng lahat ng uri ng karamdaman. At isinasamo nila sa kanya na kahit na mahipo lang nila ang palawit sa kanyang kasuutan, upang makamtan ang kagalingang kanilang inaasam. Nagbabakasakali sila na kahit mahipo man lamang ito, ay gagaling sila. Ito'y tanda ng kanilang pananampalataya, na sa pamamagitan nito, ay gagaling sila sa kanilang karamdaman. At tunay na hindi sila binigo ng ating Panginoon. Dahil sa likas niyang pagkamaawain sa lahat ng tao, lalo na sa mga aba at naghihirap,ay hindi sila nabigo sa kanilang inaasam. Dahil sa paningin ng ating Panginoon, lahat sila ay mahalaga, dahil silang lahat ay nangangailangan at ninanais ng Diyos na maging maginhawa ang bawat isa. At ito ang misyon ng ating Panginoon sa kanila at sa ating lahat.

Nawa'y sa panahon ng ating kagipitan, kagalakan at pagnanais nating lumapit sa kanya, ay magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya at pag-asa na diringgin niya ang ating mga kahilingan at pagpapasalamat. Sapagkat siya'y maawain at madaling lapitan. Hindi niya binibigo ang sinumang lumapapit sa kanya. Lalo na ang mga aba at at nabibigatan sa kanilang buhay.

No comments:

Post a Comment