Friday, February 4, 2011

Ang Binhi (Kapistahan ng Santo Niño, Taon A)

"Ang sinumang magpakababa na gaya ng batang ito, ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin, ay ako ang tinatanggap." - Mateo 18:4-5 (MBB)


Sa aking pagiging adviser at tagapagturo ng katesismo at kagandahang asal ng mga sakristan sa aming parokya, ay di lamang sila natututo ng mabubuting asal at pananampalatayang katoliko, kundi ako rin ay natututo rin sa kanilang karanasan ibinabahagi sa akin. Sa kabila ng kanilang pagiging makulit na siyang likas sa bawat bata, ay nakikita ko sa kanila ang pagiging masayahin. kahit pinagalitan ni Father at ng mga nakatatanda sa simbahan. Narito na rin yung pagkukuwento nila ng mga kanilang masaya at malungkot na karanasan sa pamilya, eskwelahan at kaibigan. Pag may away, pagkatapos nito, parang wala lang, bati na ulit. Nakakatuwa minsang makita yung pagiging palabiro at pagiging kwela, na siyang tumutulong sa akin para maging makulay at masaya ako at sandaling makalimutan ang mga problemang bumabagabag sa akin. At narito na rin yung pagiging palakaibigan nila na siyang nagbubuklod sa kanila bilang magkakapatid sa paningin ng Diyos. Narito na rin yung kanilang pagtitiwala, pagiging masigasig na maglingkod sa Diyos. Nasabi ko minsan sa sarili ko, 'Kung tayong matatanda ay matututo sa magagandang katangian ng bata, ay wala nang awayan, demandahan, at siraan. Lahat ay matiwasay ang pagsasama. Ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo ngayon na tinanong si Jesus kung sino ang pinakadakila sa lahat. Sa halip na sabihin niya kung sino ang pinakadakila, ay tinawag niya ang isang bata, at ang pagkakaroon ng mabubiting katangian ng isang bata ang siyang magiging pinakadakila sa paningin ng Diyos. Dahil ang bata ay likas na masunurin, mapagtiwala, at may kababaang loob. Di tulad ng matanda, may pride dahil sa kanilang narating, at maraming reklamo at tanong kung kanit ganito, ganyan, na siyang pumipigil upang maghari ang Diyos sa kanilang buhay. Nawa'y sa pagdiriwang natin ng kapistahan ng Santo Niño, ay maging aral sa atin ang mga mabubuting katangian ng mga bata sa kanilang pagiging masunurin at mababa ang loob. Upang sa gayo'y patuloy na maghari at manahan ang presensya ng Diyos sa bawat isa sa atin.

No comments:

Post a Comment