Monday, February 14, 2011

Bigyang Linaw ang Lahat (Miyerkules, sa Ika-6 Na Linggo sa Karaniwang Panahon)

"Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Betsaida. Dinala kay Jesus ng ilan tao ang isang bulag at ipinamanhik na hipuin ito. Inakay niya ito sa labas ng bayan, niluran sa mga mata at saka ipinatong ang kanyang mga kamay. 'May nakikita ka na bang anuman?' tanong niya. Tumingin ang lalaki at ang wika, 'Nakakakita po ako ng mga taong lumalakad, ngunit para silang punongkahoy.' Muling hinipo ni Jesus ang mga mata ng bulag, ito'y tuminging mabuti. nanumbalik ang kanyang paningin at malinaw na niyang nakita ang lahat. Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Umiwi ka na. Huwag ka nang dumaan sa bayan.' " - Marcos 8:22-26 (MBB)


Itinanong nung paring nagmisa sa amin sa isang recollection sa Tagaytay kung bakit dalawa ang ating mga mata? Nasabi niya na kaya dalawa ang ating mga mata ay upang makita natin ng buong linaw ang mga dapat makita natin sa ating paligid. Kapag tinakpan natin ang isang bahagi ng ating mga mata, ay makikita lamang natin ang bahaging nakikita ng aing mata, at hindi natin nakikita ang natatakpang bahagi nito. Kung paanong ang dalawang mata ay nakikita nito ang buong nangyayari sa ating paligid, gayun din dapat ang pagtingin natin sa bawat sitwasyon ng ating buhay. Ang halimbawa nito ay sa panahon ng tukso. Kapag titingnan natin ang tukso, sa paningin ay mukhang maganda, masarap at kaakit-akit, ngunit kapag pinatulan natin ito, at hindi natin nakita ang masamang idudulot nito sa buhay natin, ay maghahatid ito sa atin sa kapahamakan, hindi lamang sa ating sarili, kundi maging sa mga taong nakapaligid sa atin. Maging sa panahon ng pagsubok, kung titingnan lamang natin ito na isang pahirap sa buhay natin, ay hindi natin hinahayaan ang ating sarili na makita ang ating mga natatagong kakayahan na maaring makita natin sa pagharap nito, at ang Diyos na patuloy na kumikilos sa atin na siyang tanda ng kanyang presensya sa atin. Sabi nga ng aking nanay, ay dapat marunong ang tumingin ng balanse sa bawat sitwasyon o pagkakataon sa buhay natin.

Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo sa araw na ito, ay may dinalang isang lalaking bulag na dinala kay Jesus upang makakita. Nang hinipo ni Jesus ang mata ng bulag, ay itinanong niya kung nakakakkita na ba siya. nasabi niya na may nakikita siya, ngunit malabo, dahil ang mga taong naglalakad ay parang mga punongkahoy. At muling hinipo ni Jesus ang kanyang mga mata, at sa wakas, ay muli siyang nakakita. Ito ay pagpapakita sa atin ng ating Panginoon sa pamamagitan ng lalaking bulag ay humingi tayo palagi ng tulong sa Panginoon na makita natin nang buong linaw ang dapat makita sa ating paligid, at hindi yung mga bagay na sa maari ay mukhang malinaw, ngunit sa katotohanan, ay malabo at hindi natin hinahayaang makita ang kabuuan nito. na siyang nagpapabulag sa ating mga sarili at maghatid sa atin sa kapahamakan.

Nawa'y palagi nating hilingin sa Diyos na makita natin nang malinaw at buo ang mga bagay at hamong dumarating sa ating buhay. Nang sa gayo'y makita natin ang kabuuan nito at makapagpasya tayo ng mabuti na siyang maghahatid sa atin sa tamang landas na ninanais ng ating Diyos na ating lakaran araw-araw.


 
   

No comments:

Post a Comment