"Noon ay may isang babae na labindalawang taon nang dinudugo. Siya ay ginamot na ng maraming manggagamot at nagugol niya ang lahat niyang pag-aari, ngunit di siya gumaling, bagkus, naging malubha pa. Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa likuran nito sa gitna ng maraming tao at hinipo ang kanyang damit. Sapagkat sinabi niya, 'Mahipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.' Biglang naampat ang pag-agas ng kanyang dugo at naramdamang gumaling na ang kanyang sakit." - Marcos 5:25-29 (Abriol)
"Ang taong nagigipit, ay sa patalim kumakapit." ay isang kilalang kasabihan nating mga Pilipino na tunay na nangyayari di lamang sa ating mga Pilipino, kundi sa lahat ng tao. Ito ay likas sa bawat tao at isang katotohanang nararanasan ng bawat isa na kung saan, lahat ay gagawin, mapunuuan lang ang pangangailangan ng ating mga mahal sa buhay, at sa ating sarili. Lalo na pag ang nakataya dito, ay ang buhay ng ating pamilya, kamag-anak, pinakamatalik na kaibigan at maging sa ating sarili. Dahil sa kagipitan, kadalasan, ay lumapalapit tayo sa ating mga kakilala, kaibigan, kamag-anak, pulitiko o sa isang mayanman na tao. Umaasang matutulungan nila tayong sagipin ang ating pangangailangan. Kung susuwertihin, ay mayroon, kung wala, ay nandito na hangga't kaya nating makakuha ng tulong sa iba, ay gagawin natin. Sabay na kapit din tayo ng mas mahigpit sa Diyos at umaasang magbibigay siya ng tulong sa ating mga pangangailangan. Matutunghayan natin sa Ebanghelyo ng ating Panginoon ang dalawang taong nasadlak sa kagipitan at nagbaka sakaling makakakuha sila ng tulong na inaasam nila sa ating Panginoon. Narito si Jairo, isang puno ng sinagoga, na umaasang mapapagaling niya ang anak niyang naghihingalo. Di nag-atubiling sumama sa kanya ang Panginoon. At sa kanilang daan, narito na rin ang isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo. Naubos na ang lahat ng pangkabuhayan niya para lamang siya gumaling, ngunit, lalo pang lumubha. Nagbaka sakali rin siya sa ating Panginoon. At sa huli, ay parehong hindi sila binigo ng ating Panginoon. Ang kanilang matibay na pananampalataya at pag-asa sa kanyang magagawa ang siyang naging susi upang makamtan ang kanilang inaasahan. At ito rin ang ang katangian na nakita sa kanila ng Panginoon , kung kaya ipinagkaloob niya ito sa kanila, dahil alam nilang hindi binibigo ng Diyos ang sinumang lumalapit sa kanya, lalo na ang mga may mabigat na pangangailangan. Nawa'y sa bawat kagipitan, ay patuloy tayong lumapit sa Kanya nang may matibay na pananampalataya at malalim na pag-asa sa kanyang magagawa habang hinaharap natin ito at ginagawan ng paraang mapagtagumpayan ito. Sapagkat siya ay Diyos na patuloy na kumakalinga sa ating lahat na may mabigat na suliranin at bagabag sa buhay, at umaasang tutulungan niya tayong harapin ito.
No comments:
Post a Comment