"Sinagot ni Jesus ang mga Pariseo at ilang mga eskriba, 'Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat, 'Paggalang na handog sa kin ng bayan ko'y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri't pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan, ang utos ng tao ay itinuturing na utos ng maykapal.' Niwawalang kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y ang turo ng tao.' " Marcos 7:6-8 (MBB)
Minsan, ay may isa akong kasama sa dati kong pinasukang kumpanya ang nagkwento sa akin tungkol sa misa. Nasabi niya na hindi siya nagsisimba. Dahil ito sa kanilang kapitbahay na laging aktibo sa simbahan, pero tsismosa at bungangera sa kanilang Baranggay. Nasabi niya na lahat ng nagsisimba at naglilingkod dito ay hindi niya makikitaan ng kagandahang asal na dapat nilang isabuhay. Ayaw na niyang magsimba dahil sa kapag nakikita niya ang taong iyon, ay ayaw niyang makapagsalita pa ng masama sa kanya, at sa halip na maituon niya ang kanyang pansin sa misa, ay natutuon lang ito sa kanyang kapitbahay, dahil sa ugali nito. Nalungkot ako sa kanyang sinabi dito, dahil ako ay isang lingkod din sa simbahan. Ngunit, kailangan tanggapin ko ang katotohanang ito. Nakakalungkot minsan na may mga taong nag-aakalang sa tuwing tutupad sila ng kanilang gampanin at nasusunod nila ang batas ng Diyos, ay sapat na upang mabansagan silang mabuti. Gayun din sa mga kapatid nating sa pagkatagal-tagal na nilang naglilingkod sa ating simbahan, ay naroon na hindi makita sa kanila ang kabutihang asal na dapat naisasabuhay nila. Sa halip na kakitaan ng pagpapakumbaba, ay pagmamataas, ayaw masabihan dahil sa kanilang karanasan sa paglilingkod at sa kanilang naiambag dito. Sa halip na kakitaan ng pagiging maunawain, ay ang kawalang pagtitimpi, dahil ayw magbigay daan sa iba. Sa halip na maging daan ng pagkakasundo, ay nagiging daan pa sila ng pagkakabaha-bahagi at di pagkakaunawaan, kung kaya nawawalan na ng tiwala ang iba at gana na magsimba, hanggang sa lumipat sila ng ibang sekta at tuluyan na nilang iwan ang pagiging Katoliko o hindi na muling tumuntong sa simbahan at nagiging KBL na lang sila (Nagsisimba na lang kapag may KASAL , BINYAG at LIBING sa kanilang pamilya o kaibigan).
Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito ang pagpapabulaan ni Jesus sa mga Pariseo at ilang Eskriba na pumuna sa kanya dahil sa hindi niya sinusunod at ng kanyang mga alagad ang tradisyon na kanilang itinataguyod. Sinagot sa kanila ng ating Panginoon ang kanilang tanong sa pamamagitan ng pahayag ni Propeta Isaias ang mga taong mapagpaimbabaw, mga taong nais lang makilala ng lahat na siya'y banal, ngunit ang puso nila'y malayo sa Diyos, sapagkat ang kanilang personal na interes ang kanilang itinataguyod. Sa halip na makita sa kanila ang tunay na kabanalan, ang pagdamay sa kapwa, ay mas pinagtutuunan nila ng pansin ang mga bagay na mahalaga rin naman, ngunit, kinakaligtaan ang pangangailangan ng iba. Mas mahalaga pa sa kanila ang mga kautusan na sa tingin nila ay mahalaga, at hindi na tinitingnan ang kabuuan ng tunay na kabanalan, ang pag-ibig sa kapwa, na siyang tunay na kalooban ng Diyos. Na sa halip na maging daan sila ng tunay na kabanalan at maging banal din ang iba, ay sila pa ang nagiging daan upang maghari ang kasakiman, pagkakabaha-bahagi at hindi makita ng iba ang ang kabuuan at ang tunay na kalooban ng Diyos.
Nawa'y ang lahat ng ating ginagawang kabutihan at kabanalan araw-araw ay maging daan ng tunay na kabanalan sa lahat ng taong makakakita at makakasalamuha natin. Nang sa gayo'y maghari sa atin ang Diyos na Siyang nagmahal sa atin at patuloy na tumutulong sa atin upang maging isang tunay na matuwid, kagaya ng kanyang katangiang pagiging matuwid.
No comments:
Post a Comment