"Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag-urong ng bagong kayo mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin namang nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang balat, sapagkat puputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at sisdlan." - Marcos 2:21:22 (MBB)
Ayon sa kasabilang ingles, "Nothing Permanent in This World Except Change." Bawat segundo, minuto, oras, araw, buwan at taon, ay laging may nagaganap na pagbabago sa ating paligid o maging sa ating sarili. Madalas, kapag nagkakaroon ng mga pagbabago o may ipinakikilalang bagong kaalaman o sistema, lalo na kung ito ay may kinalaman sa ating personal na buhay, ay narito na hirap tayong tanggapin ito, dahil sa nakasanayan nating uri ng pamumuhay o paniniwala. madalas nga, pag may nagpapayo sa akin kung may dapat baguhin sa aking buhay, ay di ko maiwasang mairita o mainis. Pero, sa pagtagal, napagtanto ko ang puntong nais nilang iparating sa akin na ang kapakanan ko ang kanilang iniisip. Mapapansin natin sa Mabuting Balita sa araw na ito na pinuna si Jesus ng mga alagad ni Juan Bautista at ng ilang Pariseo kung bakit siya at ang kanyang alagad ay di nag-aayuno tulad ng kanilang ginagawa. Inihalintulad ni Jesus sa isang kasalan ang kanyang kasagutan. Dito, ipinahihiwating niya ang kanyang presensya na dapat ang lahat ay magsaya, sapagkat kasama nila ang Diyos sa pamamagita niya. Tulad ng bagong kayo o tela na itatagpi sa lumang kasuotan, at ang bagong alak sa lumang sisdlang balat, na siyang tumutukoy sa luma at bagong paniniwala, ay ipinapakita ng ating Panginoon na dapat matuto tayong maging mulat at bukas sa mga bagay na siyang magpapabago sa ating pananaw sa buhay. Nawa'y laging buksan natin ang ating puso't isipan sa paanyaya ng Panginoon na siyang magdudulot ng pagbabago sa ating buhay. Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, ay hinahayaan natin siyang baguhin tayo na mas maging matuwid na anak niya na kanyang inasahan sa atin.
No comments:
Post a Comment