"Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang mabuting balita. Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan." - Marcos 16:15-16 (MBB)
Ang isa sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos ay kaya nitong baguhin ang buhay ng isang tao. Dahil sa Salita ng Diyos, lahat tayo, pati ako ay unti-unting nagkakaroon ng pagbabago sa ating ugali sa sarili at sa kapwa at sa ating mga pananaw sa buhay. Ano ba ang meron sa Salita ng Diyos at kaya nitong baguhin ang buhay ng isang tao? Sabi ni David Wallace (Isang kasabihang ibinahagi ko kahapon): 'Ang Salita ng Diyos ay tulad ng isang salamin na ipinapakita nito kung sino tayo, tulad ito ng isang mapa na ipinapakita nito kung saan tayo pupunta at saan tayo dapat pumunta, at tulad din ito ng isang obra na ipinapakita nito ang tunay na anyo ng ating Diyos.' Matutunghayan natin ngayon sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagsusugo ng Ating Panginon sa kanyang mga alagad na ipangaral nila ang Mabuting Balita sa lahat ng tao. At sa bawat tatangap nito, ay magdudulot ito ng kaligtasan, ngunit ang sinumang di tatanggap dito ay mapaparusahan. Ang pagpapahayag na ito ay isang gawain na ipakilala ang pag-ibig at buhay na presensya ng Diyos sa ating piling na siyang nagdudulot ng pagbabago sa sa ating buhay. Isang magandang halimbawa nito na siyang ipinagdiriwang natin ngayon, ay ang pagbabalik-loob ni San Pablo. Mula sa kanyang pagiging mang-uusig ng Simbahan, ay naging tagapangaral siya ng Salita ng Diyos sa kanyang mga inusig, mula nang tanggapin niya ang pagtawag sa kanya ng ating Panginoon na siyang nagdulot ng pagbabago sa kanyang buhay. Sa kanyang pangangaral, ibinahagi niya rito ang kanyang karanasan sa Diyos na siyang nagpabago sa kanyang buhay, at pwede rin nating maranasan ito tulad niya, sa oras na tanggapin natin at sampalatayanan ang kanyang Salita. Nawa'y tulad ni San Pablo, ay hayaan natin ang kanyang salita na baguhin tayo sa ating mga pag-uugali at pananaw. Nang sa gayo'y mabatid ng lahat ang tunay na Mabuting Balita na magliligtas sa atin at magdudulot sa atin ng tunay na pagbabago sa ating buhay.
No comments:
Post a Comment