"Kinukuha ba ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan o sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa patungan? Sapagkat walang nalilihim na di mahahayag, at walang naitatago na di nasisiwalat. Ang mga taingang nakaririnig ay makinig." - Marcos 4:21-23 (Abriol)
Ang isa sa kakayahan ng Salita ng Diyos ay ay ang ipakilala tayo kung sino tayo batay sa ating pag-iisip, pananalita, at kilos. Tulad ito ng isang salamin na ipinapakita ang ating katauhan. Madalas, pag napapakinggan natin ang kanyang salita, ay ipinapakita sa atin ang ating kabuuan, magmula sa ating iniiisip na siyang nakikita sa ating salita at kilos at ang mga bunga nito, mabuti man o masama. Kadalasan, kapag ang isang tao ay nakapakinig ng Salita ng Diyos, dalawa ang nagiging reaksyon niya: Una, ay tatanggapin ito, at iaayon niya ang lahat ng kanyang pag-iisip, salita at kilos ayon sa Salita ng Diyos na kanyang napakinggan, at ang ikalawa ay ayawan niya ito dahil sa hindi ito umaayon sa kanyang kagustuhan na kanya namang nakasanayan. Naalala ko tuloy ang sinabi sa amin ng Coordinator ng aming Diocesan Biblical Apostolate, "Hindi lahat ng tao ay maakit ninyo sa mga Bible Studies, kahit matagal na siyang naglilingkod sa Simbahan. Sapagkat ang Salita ng Diyos ay may kakayahang isiwalat ang kalooban ng lahat ng makakapakinig nito. Kapag hindi ito umayon sa kanilang sariling kalooban, ay gagawa sila ng paraan para makaiwas lang dito." Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ngayong araw ang tungkol sa ilaw na hindi dapat itago, kundi ay inilalagay sa isang patungan upang magbigay liwanag sa lahat. Ang ilaw ay sagisag ng Salita ng Diyos na siyang nagbibigay ilaw sa ating buhay, at ipapakita nito ang ating katauhan at ano ang mga pananaw at ugali na dapat nating ayusin o panatilihin. Nasa sa atin kung hahayaang liwanagan tayo nito o tanggihan ang liwanag na idudulot sa atin. At sa huli, ay sinabi ng ating Panginoon na kung ano ang batayan ang ginamit natin, ay siyang batayan ang gagamitin sa atin. Ipinapakilala nito na sa lahat ng ating mga ginawa, mabuti man o masama, ay ipagsuslit natin sa kanya batay sa Salita na kanyang ipinahayag niya sa atin. Nawa'y hayaan nating liwanagan tayo ng Kanyang mga Salita upang makita natin ang kabuuan ng ating pagkatao. Nang sa gayo'y makita sa atin ang tunay na pagkakakilanlan sa atin, ang pagiging anak ng Diyos na ninanais sa atin ng ating Panginoon.
No comments:
Post a Comment