"Tinawag ni Jesus ang labindalawa at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan, 'Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdadala. Ngunit, magsuot kayo ng panyapak.' " -Marcos 6:7-9 (MBB)
Sa twing tayo'y bibiyahe o maglalakbay patungo sa isang lugar, ay dinadala natin ang mga bagay na importante at wag nang bitbitin ang di naman masyadong mahalaga sa atin pupunahan. Dahil mahirap maglakbay nang marami kang bitbitin at nagpapabigat lamang ito sa ating biyahe. Naalala ko tuloy nung ako'y sumama sa "immersion" namin o pakikipamuhay sa isang mahirap na pamayanan sa may Batangas malapit sa taal lake. Pinaalalahanan kami ng aming facilitator na huwag asyado kaming magdala ng maraming gamit, magdala lang kami ng aming kailangan, tulad ng ilang pirasong damit, yung magaang personal na gamit tulad ng maliit na sabon, sachet na shampoo, pocket sized na toothbrush at sachet na toothpaste. Kung mapapagkasya namin sa maliit na bag, mas mainam, dahil matarik ang aming dadaanan patungo sa pamayanang aming pupunahan. Hindi ko ito pinakinggan, sa halip, ay nagdala ako ng maraming gamit. Nung papunta na kami sa community, ay dadaan kami sa bundok. Bukod sa masakit sa likod at sa kamay ang magbitbit ng marami, ay nakakakaba ang dumaan dito, dahil masyadong makipot ang aming daanan, at kung madulas ka, ay bato ang babagsakan mo. Salamat sa Diyos at di umulan noon, at may mga ilang kasama ako na tinulungan akong magdala aking mga gamit. Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo sa araw na ito ng Huwebes ang pagsusugo ng ating Panginoon sa kanyang labindalawang alagad sa bayan na kanilang pupuntahan. Pinahayo Niya sila upang ipahayag ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa bawat bayan a kanilang pupuntahan. mapapansin natin na sa Kaniyang pagsusugo, ay pinagsabihan Niya sila na huwag magdala ng pagkain, salapi, o bihisan. Hindi ibig sabihin nito na sa bawat misyon ay bawal magdala ng mga bagay na materyal, lalo na yung mga kakailanganin natin sa araw-araw. Kundi ay alisin natin ang mga bagay na makakasagabal sa ating misyon at hindi makita ang larawan ng Diyos na dapat makita sa atin ng ating pagbabahaginan nito. Ito ay ang tinatawag natin sa Ingles na "Comfort Zone" na siyang hindi natin kayang iwanan para sa kanya. Sapagkat upang makita sa atin ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay, ay bahagi nito ang alisin natin ang mga ugali at mga bagay na siyang maglalayo sa ating atensyon na ibahagi ang Diyos sa lahat ng tao. Nangangahulugan nito na dapat maghari ang Diyos sa ating buhay at hindi ang ating kagustuhan. Ang sobra nating pagmamahal sa ating sarili ang siyang dahilan kung bakit tayo nabibigatan o nahihirapan sa ating buhay, at hindi natin makita ang tunay na layunin ng ating buhay sa mundo, na makilala siya at ipakilala siya sa iba. Nawa's sa ating pagganap sa kaloban niya, ay hayaan nating pangunahan Niya tayo at kumilos siya ng lubusan sa ating buhay. Nang sa gayo'y hindi lamang makilala nating lahat ang Kanyang Mabuting Balita sa atin, na siyang magdudulot ng katiwasayan upang magaan nating harapin at isabuhay ang kanyang ninanais sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment