"Ang lupain ng Zabulon at Neftali-daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil. itong bayang nag-aapuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas, ay nakakita ng maningning niyang ilaw! Liwanag na taglay nito'y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan! - Mateo 4:15-16 (MBB)
Ang isa sa mga bagay na pinapapasalamat ko ay ang pagiging member ko ngApostles Filipino catholic Community. Isang Filipino Catholic page sa facebook na layuning mag-apostolate sa mga OFW sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pagbabahagi ng mga ilang pagninilay at mga pangunahing impormasyon na dapat malaman natng mga Katoliko. Nakakatuwa na may mga nag-like o nagbibigay ng kanilang mga reflections tungkol sa aking mga sharings. Dahil sa kanilang mga positive feed backs, ay nai-inspire ako na lalo pa akong mag-share dahil sa nakakatulong akong lumago sila at mas makilala nila ng lubusan ang ating Panginoon. At maging sa kanilang mga reflections, prayers, at ilang mga trivia, ay nakakatulong silang lumago din ako at mas lalo pang maunawaan ang aking pananampalatayang Kristiyano. Dahil sa aming palitan ng aming mga sharings, ay nakikilala namin ang isa't-isa at nagbubuklod sa amin na maging magkakapatid sa paningin ng ating Panginoon, dahil ang bawat isa sa amin ay nagiging ilaw na nagdudulot ng lakas, pag-asa at inspirasyon sa iba. Matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagsisismula ng ministeryo ng ating Panginoon. Na kung saan ay sa kanyang pangangaral, pagtawag sa kanang magiging alagad, at sa kanyang pagpapagaling, ay natupad sa kanya ang ang paunang pahayag sa kanya ni Propeta Isaias na siya ang ilaw na hahawi sa kadiliman ng kanyang bayan. Tatlong bagay ang ipinapakita sa atin ng ating Panginoon ung anong liwanag ang dulot ni Cristo sa kanyang bayan at sa atin. Una, ay ang kanyang panawagan na magsisi sa kanilang kasalanan, na siyang nagpapakilala na ang ating Diyos ay Diyos na nagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa atin, at nagbibigay ng pag-asa sa atin na pwede pa tayong bumangon at magsimulang muli na isaayos ang buhay natin, sa kabila ng ating mga nagawang pagkukulang. Ikalawa, ay ang kanyang pagtawag sa kanyang mga alagad. Ipinapakita niya na lahat tayo ay pwedeng amitin ng Diyos na maging ilaw din tulad niya sa iba, anuman ang antas at katayuan natin sa ating buhay. At ang panghuli'y ay ang kanyang pagpapagaling sa lahat, na nagpapakita na siya'y handang magmalasakit sa atin at patuloy na nagkakaloob ng kagalingan at kaginhawahan, di lamang pangkatawan, kundi pati na rin pangkaluluwa. Nawa'y maging hamon ito sa atin na maging ilaw tayo sa iba, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang mga kaloob sa atin. Upang makita sa atin ang habag at pag-ibig ng Diyos na kumikilos sa atin.
No comments:
Post a Comment