"Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kaharian ng langit. Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos. Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi. Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. Mapalad ang may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapalad ang mga gumagawa ng daan ng ikapagkakasundo, sapagkat ituturing sila ng Diyos na mga anak niya. Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. Mapalad kayo kapag dahil sa aki'y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit." - Mateo 5:3-12a (MBB)
Ang isa sa paraan upang makita natin ang kagndahan ng buhay ay makita natin ang angking kagandahan nito, kahit sa mga negatibo o mapapait nating karanasan sa buhay. Sa psychology, ito ay tinatawag na Ustress, na kung saan ay tinitingnan nito ang isang di magandang bagay sa isang positibong pagtingin dito. Ang isa sa halimbawa nito ay ay ang mga pagsubok sa ating buhay. Sa halip na tingnan natin ito sa negatibong aspeto na kung saan ay nagdudulot sa atin ito ng panghihina ng loob, ay tingnan natin ito sa positibong paraan na isa ito sa paraan upang mas lalo pa tayong maging matapang sa buhay, pwede ring isang pagkakataon upang matuklasan natin ang mga kakayahang mayroon tayo, at ito ay isang paraaan upang lalo pa tayong lumalim sa ating relasyon sa Ating Panginoon sa pamamagitan ng panghahawak sa pangako niyang tutulungan niyang palakasin tayo sa pagharap nito. Matapos nating mapagtagumpayan ito, ay sa wakas, masasabi nating, "Napakasarap mabuhay dito sa mundo!" na masy kasamang ngiti sa ating mga labi. Ito ang paraang itinuturo sa atin ng ating Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Ipinapakita niya sa atin ang mga mapalad sa paningin ng ating Panginoon. Mapapasin nating kakaiba ang pagtingin niya sa mga taong tunay na mapalad.Hindi sa kung anong yaman meron siya, tagumpay na natamo at magandang estado sa buhay. Kundi ang mga aba, nahahapis, mga mapagpakumbaba, mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, mahabagin, may malinis na puso, gumagawa ng daan ng pakikipagkasundo, at ang mga pinag-uusig. Dalawang bagay ang nais ipapansin sa atin ng ating Panginoon. Una, ay ang pakikiisa ng Diyos sa ating pagdurusa, na kung saan sa panahon ng kagipitan at pagiging aba natin, ay laging ipinaparamdam niya ang kanyang wagas na pagmamahal na siyang nagpapalakas ng loob sa atin. Ikalawa, ay ang lahat ng ating mabubuting gawa na sa paningin ng iba ay isang malaking kahibangan, ay may katapat itong gantimpala sa atin. Kung hindi man makamit natin ito sa buhay natin dito sa mundo, ay ilalaan niya ito sa atin sa buhay na walang hanggan na ipinangako niya sa atin. Nawa'y patuloy nating hilingin sa ating Panginoon na tulungan niya tayong makita ang kagandahan ng buhay sa gitna ng hapis at pagtitiis na nating nararanasan. Sapagkat, tunay na mapalad tayo na sa bawat pagsubok na ating tinitiis, ay nariyan palagi ang ating Panginoon na patuloy na umaaliw sa atin at nagkakaloob ng gantimpala sabawat pagtitiis at patuloy na pananalig na kalakip ang pag-asa sa kanyang pangako na ilalaan niya sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment